Biko Business nina Gelli at Ariel Rivera sa Canada, Patok sa Panlasa ng mga Kababayan at Banyaga

Pagdating sa Filipino delicacy, isa ang biko sa maipagmamalaki ng mga Pinoy saan mang sulok ng mundo. Ang kakanin na ito na gawa sa malagkit na bigas at asukal ay paboritong panghimagas ng bawat Pilipino at sikat na handa sa ibat-ibang okasyon. Ngunit ngayon, ang biko ay hindi na lamang makikita sa hapag ng mga Pilipino, kundi nakarating na rin ito sa bansang Canada.

Credit: Instagram / gellidebelen

Ang mag-asawang Gelli De Belen at Ariel Rivera ay sinubukang ipakilala ang kanilang biko recipe sa mga kapwa Pilipino na nasa Canada. Hindi akalain ng mag-asawa na ito ay magugustuhan ng marami maski ng mga banyaga kaya naman napagdesisyunan nilang gawin na itong negosyo sa tulong ng kanilang mga anak.

Mapapanuod sa vlog ni Gelli na ang biko business ay ideya umano ng kanilang dalawang anak na sina Joaqui at Julio. Ang biko recipe umano ay nagmula sa kanyang father-in-law na tatay ni Ariel na inihahanda lamang nila sa tuwing may espesyal na okasyon.

Credit: Instagram / gellidebelen

Dahil sa masarap na biko recipe na ito, maski ang kanyang dalawang anak ay inaral kung paano ito lutuin at sinubukan na ipatikim sa mga kapwa Pilipino sa Canada. Matapos makita ang positibong reaksyon ng mga tao doon, sinimulan na nilang itayo ang Lolo Ben’s Biko.

Ang kanilang best seller na biko ay nagkakahalaga lamang ng $18, samantalang ang kanilang espesyal na biko na mayroong sangkap na langka ay mabibili sa halagang $20. Sa sarap ng kanilang biko sulit na sulit umano ang ibinabayad ng kanilang mga customer, at ipinagmalaki pa ni Ariel na de-kalidad na mga sangkap ang kanilang ginagamit dito upang masiguro talagang masarap ang mga ito.

Credit: Instagram / gellidebelen

Mas lalong naging espesyal ang kanilang biko dahil sila mismo ng kanyang asawa ang gumagawa nito. Sila mismo ang namimili ng mga dekalidad na sangkap, naghahanda at nagluluto sa mga ito. Silang mag-asawa rin ang nagpopost at nagbebenta ng kanilang biko sa social media, sa tulong na rin ng kanilang mga anak. Masasabi talaga na hands-on ang pamilya nila sa kanilang bagong biko business.

Credit: Instagram / gellidebelen

Hindi rin naiwasan ng magkapatid na magbiro na nangangailangan umano sila ng pinansyal na tulong sa pag-aaral sa Canada kaya sila nagbebenta ng biko. Makikita naman sa magkapatid na suportado nila ang kanilang magulang sa bagong negosyo. Kahit sila ay natutuwa rin sa pagtulong at nasisiyahan na makitang nagugustuhan ng mga customer ang kanilang biko business.

Credit: Instagram / gellidebelen

“I love how they enjoy and really like our biko. It’s like an extension of Lolo’s legacy, that’s really fulfilling,” saad ni Julio.

Marami namang netizens ang natuwa sa pamilya ni Gelli dahil napakamapagkumbaba umano ng mga ito. Kahit kumportable na ang kanilang buhay ay hindi umano nahiya na magbenta ng biko. Makikita rin daw na napalaki ng maayos ang kanilang dalawang anak dahil sila mismo ang nagpasimula ng negosyo at todo suporta ang ibinibigay sa kanilang mga magulang.

Credit: Instagram / gellidebelen

Masasabi rin na dahil sa biko ay tumagal ang relasyon ng mag-asawa kung saan nga ay 20 years na silang kasal. Tulad ng sabi-sabi na ang lagkit ng biko ay nakakapagpatatag ay nagpapanatili ng ng relasyon ng mag-asawa at ng pamilya. Malaki ang pasasalamat ni Gelli at Ariel sa ipinamanang biko recipe ni Lolo Ben sa kanila dahil naging daan ito sa bagong yugto ng kanilang buhay.


Post a Comment

0 Comments