Carmina at Zoren Legaspi, Ibinahagi ang Hirap sa Pag-aalaga ng Kambal sa Amerika

Ang mag-asawang Carmina Villaroel at Zoren Legaspi ay isa sa kilalang celebrity couple ng bansa. Ang kanilang masayang pagsasama ay biniyayaan ng kambal na anak na sina Cassy at Mavy. Ngunit sino ang mag-aakala na sa kabila ng kanilang estado noon ay nakaranas pala ng paghihirap ang dalawa sa pag-aalaga sa kambal na anak?

Credit: Instagram / mina_villaroel

Hindi umano naging madali ang pinagdaanan nila dahil noong panahon na nabuntis si Carmina ay hindi pa sila kasal ni Zoren at hindi pa sila umano ganun kasikat. Ang magkaroon ng dalawang anak sa unang pagkakataon ay mabigat para sa kanila lalo na at first time parents nilang dalawa.

Noong mga panahon na nagbubuntis pa lamang si Carmina sa kambal, napagdesisyunan nila ni Zoren na pumuntang Amerika at doon ipanganak ang kambal. Nakikitira lang umano sila noon sa nakatatandang kapatid ni Zoren at natutulog sa sala ng bahay dahil iisa lamang ang kwarto ng bahay ng Kuya ni Zoren.

Credit: YouTube / GMA Network

Noong January 6, 2001 nang ipanganak ni Carmina si Cassandra at Maverick o mas kilala ngayon bilang ‘Cassy’ at ‘Mavy’. Noong ipinanganak ang kambal doon napagtanto ng mag-asawa kung gaano kahirap maging first time parents. Kung ang pag-aalaga ng isang bata ay mahirap na, mas lalong mahirap dahil dalawang supling ang kailangan nilang alagaan.

Credit: YouTube / GMA Network

Dahil iisa lamang ang kwarto sa bahay ng Kuya ni Zoren, sa sofa bed natutulog ang mag-anak. Si Carmina ay natutulog sa sofa bed kasama si Cassy, at sa isang single bed naman natutulog si Zoren kasama si Mavy. Naging instant kwarto umano ang sala at malaki ang pasasalamat nila sa Kuya ni Zoren dahil bukas loob silang tinanggap nito sa kanyang bahay sa Amerika.

“Nakikitira lang po kami sa brother ni Zoren sa States. Yung sala na-convert na namin into our bedroom. Yung sofa bed sa akin and Cassy. Yung bed na nilagay nila, doon si Maverick at Zoren,” pagbabahagi ni Carmina.

Credit: YouTube / GMA Network

Sa kabila umano ng hirap sa pag-aalaga ng dalawang supling ng sabay, naging masaya naman ang karanasang ito para sa mag-asawa. Nawawala umano ang kanilang pagod sa tuwing tinitingnan ang mukha ng kanilang kambal at nabibigyan sila ng lakas. Naging malaking tulong rin umano ang mga kamag-anak ni Zoren sa Amerika na tumulong at gumabay sa kanila sa pag-alalaga sa kambal noon.

Ikinwento rin ni Carmina na mahirap umanong patulugin si Cassy noong sanggol pa ito, kailangan niya pa daw itong kantahan at helehin bago makatulog. Habang ang kuya naman nitong si Mavy ay kabaliktaran, hindi mahirap patulugin at mahimbing lagi ang tulog.

Credit: Instagram / mina_villaroel

Noong bumalik sila sa bansa ay agad na pinagkaguluhan ng publiko ang kanilang kambal. Nagbukas din ito ng mga oportunidad para mabigyan sila ng mga TV commercials at endorsements. Mula sa paglabas sa mga commercial ay tuluyan na ngang pinasok ng kambal ang industriya ng showbiz at nagsimula ng umarte kasama ang kanilang mga magulang.

Hindi kataka-taka na namana nina Cassy at Mavy ang kanilang kagandahan at kagwapuhan sa kanilang mga magulang na naging daan rin upang mabilis na makapasok sa showbiz. Sa kasalukuyan ay parehong rising stars ang kambal ngayon sa showbiz industry.

Credit: Instagram / cassy

Makikita naman kung gaano ka-proud parents sina Carmina at Zoren sa kanilang mga anak. Pansin rin ng publiko na napalaki nila ito ng maayos at mapagkumbaba. Sa katunayan ay ‘nanay’ at ‘tatay’ ang tawag sa kanila ng kanilang mga anak na hindi normal na tawag lalo na kung parehong artista ang magulang at may kumportableng buhay sila.


Post a Comment

0 Comments