17-Anyos, Pinasok ang Ibat-ibang Trabaho Para Matupad ang Pangarap na Bahay ng Amang na-Stroke

Dahil sa kahirapan, maraming kabataan ang napilitang kumayod sa buhay upang makatulong sa pamilya. Hindi nila alintana ang pagod at hirap ng pagtatrabaho sa murang edad basta’t makatulong lamang. Katulad na lamang ng dalagang ito na pilit na nagsusumikap sa buhay para sa kanyang amang may karamdaman.

Sa YouTube channel na Virgelyncares 2.0 Official, ibinahagi nila sa isang vlog ang kwento ng dalagang si Clara. Si Clara ay namumuhay kasama ang kanyang ama na mayroong mild-stroke kaya naman siya ang nagtatrabaho para sa kanilang pamilya.

Credit: YouTube / Virgelyncares 2.0 Official

Nakilala ni Virgelyn si Clara sa isang bakery sa Naga kung saan isa itong tindera doon. Kumikita lamang ng halagang 3,000 pesos si Clara kada buwan sa kanyang pagiging tindera ng mga tinapay sa bakery, kung saan ay kulang na kulang ito para sa kanila ng kanyang amang may sakit.

Kaya naman bukod sa pagiging tindera sa bakery ay pinasok rin ni Clara ang ibat-ibang trabaho para madagdagan ang kanyang kita. Bukod sa mga tinapay, nagtitinda rin si Clara ng ibat-ibang pagkain pang-meryenda tulad ng fishball at iba pang tuhog-tuhog na pagkain. Maski ang pagtitinda ng mga skin care products ay kanya na ring pinasok at sinubukan para lang mapunan ang kanilang mga pangangailangan at gastusin.

Credit: YouTube / Virgelyncares 2.0 Official

Sa murang edad na 17-anyos, bakit nga ba labis ang pagsisikap ni Clara sa buhay? Napag-alaman na nais pala ni Clara na mapatayuan ng bahay ang kanyang ama. Pangarap niyang mabigyan ng bahay ang ama kahit maliit at simple lang upang maging kumportable ito at kabayaran na rin at pasasalamat niya sa ama niya. Kasalukuyan ngang pinapagawan ng bahay ni Clara ang ama, maliit man at simple ay masaya si Clara sa kanyang nagawa.

Makikita sa vlog na hindi pa buo ang bahay at wala pa sa kalahati ang nagagawa. Nagsusumikap si Clara na magtrabaho dahil paunti-unti niyang bubuuin ang pangarap na bahay para sa kanyang ama. Hindi biro ang magpatayo ng bahay dahil mahal ang mga materyales at bayad pa sa mga taong gagawa kaya naman doble-doble ang pagsususmikap ni Clara.

Credit: YouTube / Virgelyncares 2.0 Official

Napag-alaman rin na tanging si Clara na lang ang maaasahan ng kanyang ama dahil matagal na pala silang iniwan ng kanyang ina. Maliit pa lang si Clara ng umalis ang kanyang ina at hindi na bumalik. Mas naging mahirap ang buhay nilang mag-ama dahil dalawa na lamang sila sa buhay na magkatuwang, dagdagan pa na hindi makapagtrabaho ang ama dahil mayroon itong mild-stroke kaya hirap itong kumilos.

Pangiti-ngiti lamang ang dalaga nang tanungin kung nais niya bang manawagan para bumalik ang kanyang ina. Ngunit nahihiyang inamin ni Clara na masama ang kanyang loob sa kanyang ina na iniwan sila, kaya hindi na nito nais pang manawagan para sa kanyang ina. Makikita sa mga mata ng dalaga ang lungkot at hirap na kanyang pinapasan ngunit nanatili siyang matatag para sa kanyang ama.

“Kahit naman po wala siya, kaya naman namin ni Papa!” saad ng dalaga.

Credit: YouTube / Virgelyncares 2.0 Official

Hinangaan naman ng maraming netizens si Clara dahil sa pagiging mabuting anak nito at pagsusumikap sa buhay sa kabila ng kanyaang edad. Hindi umano lahat ng kabataan ay kayang gumawa ng ganitong sakripisyo para sa magulang at tumayong magulang sa pamilya.

“God bless you Clara. You’re an angel to your father.”

“Salute sayo girl, napakabuti mong anak. At such a young age nagsumikap at nagsakripisyo ka na para sa pamilya.”

“Wow, 17 years old lang yan pero pagpapatayo na ng bahay ang iniisip para sa papa niya. Yung ibang kabataan dyan puro cellphone at gala lang iniisip e.”

“God will provide. Tiwala ka lang at matutupad mo ang pangarap na bahay para sa papa mo. Mabuti kang bata kaya ibi-bless ka ni God.”

Credit: YouTube / Virgelyncares 2.0 Official

Nagpaabot naman ng 10,000 pesos na tulong ang Virgelyncares bilang tulong kay Clara at sa kanyang ama. Maaari niyang gamitin ang pera bilang puhunan na pagnenegosyo at pandagdag sa pagpapaayos ng bahay na kanyang pinapagawa. Maliit man ang halaga ay tiwala ang programa na gagamitin ito ni Clara sa mabuti at mapapalago pa.

Isang inspirasyon si Clara sa maraming kabataan dahil sa kanyang pagiging mabuting anak at pagsusumikap sa buhay sa kabila ng kanyang murang edad. Hangad ng marami na sana ay gumaling na ang kanyang ama at matapos na ang pinapagawang bahay ni Clara para sa kayang ama.


Post a Comment

0 Comments