Kilala si Ruby Rodriguez bilang isang aktres at co-host ng longest running noontime show na ‘Eat Bulaga.’ Bago pumasok sa industriya ng showbiz ang 55 taong gulang na co-host, siya ay naging isang preschool teacher muna. Taong 1991 noong mabigyan siya ng oportunidad na maging isang co-host kung saan tumagal siya ng tatlong dekada.
Ngunit sino ang mag-aakala na iiwan ni Ruby ang kanyang tatlong dekadang trabaho sa showbiz at pipiliin na magtrabaho at mamuhay ng simple sa ibang bansa? Nito lang Mayo ay ginulat niya ang marami, matapos niyang ibahagi sa kanyang Instagram account ang kanyang larawan sa loob ng isang opisina na kanyang pinagtatrabahuan ngayon.
“First day of new normal for moi,” ang caption ni Ruby sa kanyang post.
Sinamahan niya ito ng mga hashtags na #workinggirl at #subwayislife. Patunay lamang na opisyal niya nang iniwan ang pagiging co-host at tuluyan nang pumasok sa bagong yugto ng kanyang buhay.
Base sa kanyang post, siya ay naka-check in sa Philippine Consulate General sa Los Angeles, California. Makikita rin sa kanyang mga posts na unti-unti niya nang sinasanay ang kanyang sarili sa bagong lugar na kanyang nilipatan. Naglaan si Ruby ng oras upang maikot ang California upang maging pamilyar sa mga lugar at maging kumportable siya roon.
Samantala, tila isa sa naging rason ng kanyang paglipat ay upang makasama ang kanyang anak na si Toni Aquino sa US. Doon kasi naka-base ang kanyang anak at matagal niya na itong hindi nakakasama, kaya naging magandang desisyon rin ang kanyang paglipat. Bukod sa nagkaroon na siya ng pagkakataon na mas makasama ang kanyang anak, nagkaroon din si Ruby ng oras sa kanyang mga kaibigan at kamag-anak kung saan ay nag-bonding sila.
Makikita sa kanyang mga posts na masaya si Ruby sa kanyang bagong buhay ngayon, malayo sa showbiz. Tila matagal na nga niyang pangarap ang makapamuhay ng simple kung saan malaya siya sa ingay ng showbiz industry. Malayo man ang pagiging office girl sa kanyang dating trabaho na aktres at co-host, hindi naman maipagkakaila na mas masaya siya ngayon.
Nagpahatid naman ng pagbati ang mga netizens sa bagong yugto ng buhay ni Ruby:
“Stay safe Ruby, wish you all the best there in US.”
“Wow, change career for the better.”
“A simple life is a happy life! Ingat po kayo.”
“As long as you’re happy Ruby, good decision yan.”
“Wala talagang papalit sa peace of mind kahit gaano pa kaganda ang career mo dito sa Pinas kung di ka naman ok, wala rin. Simple life is the new normal.”
Gayunpaman, malaki pa rin ang pasasalamat ni Ruby sa kanyang mga nakasama sa showbiz industry lalo na sa kanyang mga kapwa hosts sa Eat Bulaga. Ang tatlong dekada niya sa showbiz ay naging masaya dahil sa mga mabubuting tao na nakapaligid sa kanya, at patuloy siyang sinusuportahan sa kabila ng kanyang pag-alis at pagbabago ng karera.
Talaga namang nakakagulat at nakakamangha ang naging desisyon ni Ruby. Iniisip ng lahat na wala na siyang hihilingin pa dahil maganda naman ang career niya dito sa ating bansa ngunit pinatunayan niyang may mga bagay sa buhay na kailangan mabago para sa kapakanan mo at ng pamilya. Simple man ang pinalit niyang buhay ngayon, kita namang mas masaya siya.
0 Comments